Isang araw bago ako nagbigay ng lektyur sa aking mga trainee tungkol sa "effective communication" napag-isip-isip ko na ang adhikain ng isang pag-uusap ay ihatid at ipa-intindi sa kausap ang mensahe ng nagsasalita. Ngunit sa panahon ngayon, na kung saan ang basehan sa pagtrato ng mga tao ay ayon sa lebel ng kanyang paggaya sa paraan ng pananalita ng mga dayuhan o "tuldik o punto", hindi natin maikakaila ang katotohanan na kapag hindi ka marunong magsalita ng Ingles o kaya naman hindi mo kayang gayahin ang punto ng mga kano o briton, ay may malaking posibilidad na ipahiwatig nito sa madla na ikaw ay mababang uri ng tao.
Mahirap tanggapin, ngunit aminin na natin na madami sa atin ang walang malay na kinukutya ang kapwa kababayan kapag nagkamali sa pagbigkas ng ilan sa mga salitang ingles. Mula sa pagkakamali ng bigkas hanggang sa punto ng nagsasalita ay dali-dalian nating inihahambing ang taong iyon sa mga ini-estereotipo nating katawa-tawang uri ng tao. Dalawa sa mga klasik na halimbawa ay ang sumusunod:
1) Kapag ang isa sa kababayan natin ay nagkakamali sa pagbigkas ng salitang "bolpen" at binibigkas nya ito bilang "bulpen", dagliang papasok sa isip ng mga nakikinig na ang taong iyon ay bisaya. Hindi man natin aminin, ngunit naandyan ang diskriminasyon sa kapwa nating kababayan. Ang impresyon natin ay katawa-tawa ang kanilang punto sapagkat hindi nila maibigkas ng tama (ayon sa punto ng mga kano o briton) ang mga ingles na salita. Ang hindi natin namamalayan ay hindi pa rin natin maialis sa sistema ng ating pagkatao ang tinatawag na kolonyal mentaliti o ang pagtangkilik sa mga bagay na galing sa mga dayuhan.
2) Katulad ng una kong halimbawa, isa pang klasik na halimbawa ng kolonyal mentaliti ay ang tinatawag nating "Carabao English". Kapag ang isang kababayan ay marunong magsalita ng ingles ngunit mali-mali ang kanyang gramatika o grammar, dagliang syang binabansagang probinsyano sapagkat nakaklasipika sya sa tinatawag na gumagamit ng "Carabao/Kalabaw English". Carabao english ang tawag sapagkat ang mga probinsyano lamang ang nakakasalamuha sa mga carabao o kalabaw at dahil doon ay inihahalintulad sa mga probinsyanong namumuhay sa pag-ani at pagsasaka ang mga kalabaw. Carabao English sapagkat madaming probinsyanong hindi gaano marunong magsalita ng ingles at kapag lumuwas ng maynila ay kapiranggot lamang na ingles ang baon sa kanyang bokabularyo.
Ang dalawang nabanggitkong halimbawa ay madalas na nagdidikta sa atin na bansagan ang mga kababayan nating ito bilang mababang uri ng pagkatao. Kapag naman ang tao ay marunong sa punto ng mga kano o briton, ituturing sila ng madla bilang isang sosyal na tao at posible din na bansagang mayaman.
Ang hindi ko lamang matanggap ay kung bakit kailangan pang uriin ang tao ayon sa punto at laman ng pananalita. Hindi kaya napapansin ng ating mga kababayan na kapag pinakinggan mo mag-ingles ang ibang mga dayuhan, halimbawa ang mga taga-new zealand ay dali-dalian mong maihahambing ang kanilang punto ng pananalita sa isang bisaya. O kaya naman kapag nakarinig ka ng ingles ng mga hapon ay maari mo ding ihalintulad ito sa kalabaw english. Ngunit ang mga taong ito ay daglian nating pinahahalagahan at madalas pa sa hindi ay ikinatutuwa natin ang kanilang punto. Nakakalungkot isipin na kapag kapwa kababayan na ang nagsalita ng ingles nang hindi naayon sa pananalita ng mga kano o briton ay mababa na silang klaseng tao. Ang buhay nga naman talaga, hindi rin natin masisisi ang ating mga sarili dahil ganito na ang kinamulatan nating kultura. Kolonyal Mentaliti ika nga nila.
Hindi man natin maiwaglit ang kolonyal mentaliti sa ating pagkatao, dapat siguro nating matutunan na hindi nakakataas o nakakababa sa pagkatao ang naiibang saltik ng ating dila. Ang importante ay nagkakaintindihan tayo o kung sino man ang makakausap nating dayuhan. Wag na nating pilit gayahin ang pananalita ng mga dayuhan sapagkat magkaibang-magkaiba ang struktura ng kanilang lenguahe. Kumbaga ang pagbuo nila ng pangungusap ay ibang-iba sa pagbuo natin. Tulad nga ng nabanggit ko, dapat nating isipin ang pagkakaiba ng saltik ng dila o galaw ng bibig natin sa mga dayuhan. Dapat siguro, isipin ng ating mga kababayan na walang saysay ang paggaya sa pananalita o kaya naman kultura ng mga dayuhan. Ang importante ay naibabahagi natin ng tama ang nais nating ibahagi gumamit man tayo ng bisaya o kalabaw english.
- Machel
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento