Linggo, Oktubre 30, 2011

"Carabao English"

Isang araw bago ako nagbigay ng lektyur sa aking mga trainee tungkol sa "effective communication" napag-isip-isip ko na ang adhikain ng isang pag-uusap ay ihatid at ipa-intindi sa kausap ang mensahe ng nagsasalita. Ngunit sa panahon ngayon, na kung saan ang basehan sa pagtrato ng mga tao ay ayon sa lebel ng kanyang paggaya sa paraan ng pananalita ng mga dayuhan o "tuldik o punto", hindi natin maikakaila ang katotohanan na kapag hindi ka marunong magsalita ng Ingles o kaya naman hindi mo kayang gayahin ang punto ng mga kano o briton, ay may malaking posibilidad na ipahiwatig nito sa madla na ikaw ay mababang uri ng tao.

Mahirap tanggapin, ngunit aminin na natin na madami sa atin ang walang malay na kinukutya ang kapwa kababayan kapag nagkamali sa pagbigkas ng ilan sa mga salitang ingles. Mula sa pagkakamali ng bigkas hanggang sa punto ng nagsasalita ay dali-dalian nating inihahambing ang taong iyon sa mga ini-estereotipo nating katawa-tawang uri ng tao. Dalawa sa mga klasik na halimbawa ay ang sumusunod:

1) Kapag ang isa sa kababayan natin ay nagkakamali sa pagbigkas ng salitang "bolpen" at binibigkas nya ito bilang "bulpen", dagliang papasok sa isip ng mga nakikinig na ang taong iyon ay bisaya. Hindi man natin aminin, ngunit naandyan ang diskriminasyon sa kapwa nating kababayan. Ang impresyon natin ay katawa-tawa ang kanilang punto sapagkat hindi nila maibigkas ng tama (ayon sa punto ng mga kano o briton) ang mga ingles na salita. Ang hindi natin namamalayan ay hindi pa rin natin maialis sa sistema ng ating pagkatao ang tinatawag na kolonyal mentaliti o ang pagtangkilik sa mga bagay na galing sa mga dayuhan.

2) Katulad ng una kong halimbawa, isa pang klasik na halimbawa ng kolonyal mentaliti ay ang tinatawag nating "Carabao English". Kapag ang isang kababayan ay marunong magsalita ng ingles ngunit mali-mali ang kanyang gramatika o grammar, dagliang syang binabansagang probinsyano sapagkat nakaklasipika sya sa tinatawag na gumagamit ng "Carabao/Kalabaw English". Carabao english ang tawag sapagkat ang mga probinsyano lamang ang nakakasalamuha sa mga carabao o kalabaw at dahil doon ay inihahalintulad sa mga probinsyanong namumuhay sa pag-ani at pagsasaka ang mga kalabaw. Carabao English sapagkat madaming probinsyanong hindi gaano marunong magsalita ng ingles at kapag lumuwas ng maynila ay kapiranggot lamang na ingles ang baon sa kanyang bokabularyo.

Ang dalawang nabanggitkong halimbawa ay madalas na nagdidikta sa atin na bansagan ang mga kababayan nating ito bilang mababang uri ng pagkatao. Kapag naman ang tao ay marunong sa punto ng mga kano o briton, ituturing sila ng madla bilang isang sosyal na tao at posible din na bansagang mayaman.

Ang hindi ko lamang matanggap ay kung bakit kailangan pang uriin ang tao ayon sa punto at laman ng pananalita. Hindi kaya napapansin ng ating mga kababayan na kapag pinakinggan mo mag-ingles ang ibang mga dayuhan, halimbawa ang mga taga-new zealand ay dali-dalian mong maihahambing ang kanilang punto ng pananalita sa isang bisaya. O kaya naman kapag nakarinig ka ng ingles ng mga hapon ay maari mo ding ihalintulad ito sa kalabaw english. Ngunit ang mga taong ito ay daglian nating pinahahalagahan at madalas pa sa hindi ay ikinatutuwa natin ang kanilang punto. Nakakalungkot isipin na kapag kapwa kababayan na ang nagsalita ng ingles nang hindi naayon sa pananalita ng mga kano o briton ay mababa na silang klaseng tao. Ang buhay nga naman talaga, hindi rin natin masisisi ang ating mga sarili dahil ganito na ang kinamulatan nating kultura. Kolonyal Mentaliti ika nga nila.

Hindi man natin maiwaglit ang kolonyal mentaliti sa ating pagkatao, dapat siguro nating matutunan na hindi nakakataas o nakakababa sa pagkatao ang naiibang saltik ng ating dila. Ang importante ay nagkakaintindihan tayo o kung sino man ang makakausap nating dayuhan. Wag na nating pilit gayahin ang pananalita ng mga dayuhan sapagkat magkaibang-magkaiba ang struktura ng kanilang lenguahe. Kumbaga ang pagbuo nila ng pangungusap ay ibang-iba sa pagbuo natin. Tulad nga ng nabanggit ko, dapat nating isipin ang pagkakaiba ng saltik ng dila o galaw ng bibig natin sa mga dayuhan. Dapat siguro, isipin ng ating mga kababayan na walang saysay ang paggaya sa pananalita o kaya naman kultura ng mga dayuhan. Ang importante ay naibabahagi natin ng tama ang nais nating ibahagi gumamit man tayo ng bisaya o kalabaw english.

- Machel

Sabado, Oktubre 29, 2011

"Use your Common Sense"

Isang araw aking napagtanto ang dalawang salitang madalas nating marinig na binabanggit ng mga taong nakapaligid sa atin. Ito ay ang salitang "Common Sense" o "Komon Sens". Kung di mo napapansin, ang salitang ito ay ginagamit ng napakaraming tao sa iba't-ibang paraan.

Halimbawa:

1) Sa opisina, kapag ang isang empleyado ay inutusan ng kanyang amo na kunin ang isang bagay at hindi nya ito mahanap sa kadahilanang sa ibang lugar sya naghanap, madalas ang masakit na salitang maririnig nya sa kanyang amo ay... "Gamitin mo ang Komon Sens mo!". Ibig lamang sabihin ng amo ay kung maghahanap ka, isipin mo muna kung saan kaya pinaka-posibleng matatagpuan ang bagay na pinapakuha sa iyo.

Halimbawa, kapag inutusan kang kunin ang file ng isang kliyente ng opisina, hindi mo dapat halukayin ang pantry ng opisina. Kapag ginamit mo ang komon sens mo, malamang sa hindi ay una mong maiisip na lapitan ang sekretarya ng amo mo tanungin kung saan matatagpuan ang file na pinapakuha. Kung wala namang sekretarya ang amo mo, una mong dapat isipin ay kung nasaan nakatago ang mga files ng kliyente ng kumpanya. "Common sense" nga diba?

2) Sa bahay, kapag inutusan ng amo ang kanyang katulong upang bumili ng rekado para sa kanyang niluluto, kinakailangang gamitin ng katulong ang kanyang komon sens upang hindi mabwisit ang kanyang amo.

Halimbawa, nagluluto ng sopas ang amo at inutusan nya ang katulong upang bumili ng gatas nang hindi binabanggit kung anong klaseng gatas ang bibilhin. Kapag ginamit ng katulong ang kanyang komon sens dapat nyang maisip kung anong klaseng gatas ang kailangan para sa sopas. Kondensada ba o evaporada? Ang susunod nyang dapat maisip ay kung anong brand ng gatas ang madalas bilhin ng kanyang amo kapag nagluluto sya ng sopas. Yan ang "Common sense".

3) Sa ospital, kapag inutusan ng doktor ang nars na kunin ang temperatura ng isang pasyente, malamang ang komon sens ng nars ang magsasabi na gumamit dapat sya ng termomiter at hindi ang kanyang stetoskop.

4) Sa paaralan, habang pinag-aaralan ang akawnting o "pagtutuos" komon sens ang magsasabi sa isang estudyante na kaya tinawag na "balance sheet" iyon isang report na ginagawa ng mga akawntant ay dahil sa kadahilanang balanse dapat yun dalawang pigura sa report na iyon. Balance sheet nga diba? Common sense!

Napakarami pang ibang mga sitwasyon kung saan magagamit ang salitang komon sens. Ngunit ang isang tanong na namamayagpag sa aking isipan ngayon ay kung bakit ang komon sens ay madalas nakakaligtaan ng mga tao. Hindi ba dapat kapag sinabi nating komon sens eh dapat komon sa isip ng tao iyon? Kasi para saan pa ang komon sa komon sens kung hindi naman naiisip ng ibang tao iyon? Baka nga hindi sya talagang komon sens. Madalas ang katwiran ng mga taong gumagamit ng salitang "use your common sense" ay obvious naman na iyon dapat ang maiisip mo... kaya lang kapag hindi mo nga naisip iyon, dapat parin bang pagsabihan ka ng malupit na "Use your common sense!"? Siguro naman dapat hindi.

Kung ang komon sens ay hindi komon sa kausap mo, dapat siguro pag-isipan mo muna bago mo sabihin ang salitang "use your common sense". Dapat siguro bago sabihin ang malupit na salitang "use your common sense" eh isipin muna natin na lahat ng tao ay may pagkakaiba. Huwag mong iisipin kaagad na kapag naisip mo ang isang bagay ay automatic nang dapat ganoon na din ang maisip ng kausap mo. Kaya nga tayo marunong makipag-usap diba? Kasi hindi naman tayo nakakabasa ng isip ng iba. Siguro mas mainam na huwag nalang natin gamitin ang salitang komon sens. Kung nakakapag-usap naman tayo, dapat siguro ay diretsuhin nalang nating sabihin kung ano ang nais nating iparating sa kausap upang lahat ay malinaw. Sa ganitong paraan, hindi na kailangan pang hulaan kung anong iniisip ng kausap.

-Machel (10/30/2011)