Linggo, Disyembre 25, 2011

Panahon at Ikaw

Nang makilala kita, hindi ko lubos maipaliwanag ang aking naramdaman. Sa isang sulyap mo lang, nalaman ko nang mayroon namamagitan sa atin. Pakiramdam ko matagal na kitang kilala at nakasama. Iniisip ko nga kung naging tayo sa isang buhay na nakalipas na. Kasi ang ginhawang nararamdaman ko kapag kasama kita ay hindi ko maipaliwanag. Ang nananatiling nasa isipan pagkatapos kitang makasama ay ang palaisipang bakit kahit ngayon lang kita nakilala ay parang matagal na kitang nakasama? Walang katulad ang ginhawa na iyong idinudulot sa aking pakiramdam.

Magmula sa una nating pagtatagpo, hanggang sa ating pag-iisang dibdib, hindi ko pa rin maalis na isipin kung bakit ganoon parin ang pakiramdam ko pagdating sa iyo. Anim na taon palang tayong nagsasama ngunit parang isang daan taon na kitang nakapiling. May kinalaman ba ang panahon at oras sa iyong pagkatao o sa pakiramdam ko sa iyo?

Sa aking pagninilay, kahit lumilipas ang panahon hindi na nagbago ang pakiramdam na ito. Ilang taon man ang maidagdag sa pagsasama natin, pakiramdam ko hindi pa rin ito matumbasan ng tagal na pakiramdam kong nakasama na kita. Naiisip ko tuloy kung pinaglalaruan lang tayo ng panahon. Iniisip ko kasi, imbes na nadadagdagan ang pagkakakilanlan ko sa iyo ay para pang unti-unting nawawala ito. Ang masama pa nito ay habang dumadaan ang panahon ay unti-unti ka rin nyang kinukuha sa akin. Unti-unting nauubos ang panahon ng ating pagsasama.

Siguro dapat akong matakot dahil habang tumatagal ang ating pagsasama ay umiikli nalang din ang natitirang panahon ng ating pagsasama... Ngunit sa kabilang dako, sa ganitong paraan ko ba dapat tignan ang ating buhay at pagsasama? Ayokong mawala ka ngunit ayoko ring araw-araw at minu-minutong isipin na balang araw ay lilipas din tayong dalawa. Siguro nga, mali lamang ang pananaw ko sa buhay ngayon.